Home NATIONWIDE SC: Empleyado bawal piliting magretiro bago mag-65

SC: Empleyado bawal piliting magretiro bago mag-65

5
0

MANILA‎, Philippines – ‎Nagpasya ang Korte Suprema (SC) na hindi maaaring iretiro ang mga empleyado bago ang compulsory retirement age na 65 nang walang malinaw at boluntaryong pahintulot.
‎
‎Sa 22-pahinang desisyon, pinagtibay ng First Division ng SC na sa ilalim ng Labor Code, maaaring piliin ng empleyado na magretiro pagtungtong ng 60 taong gulang, ngunit nananatili sa 65 ang compulsory retirement.
‎
‎Ayon sa records ng korte, ilegal na tinanggal sa trabaho si Rodolfo C. Ondevilla ng kanyang employer na Colegio de San Juan de Letran – Laguna nang ituring na expired ang kanyang appointment matapos siyang mag-60 taong gulang.
‎
‎Parehong pumanig kay Ondevilla ang Labor Arbiter at National Labor Relations Commission, at kinatigan din ng Court of Appeals (CA) na ilegal ang kanyang pagkakatanggal.
‎
‎Bagama’t binanggit ng CA na pumayag si Ondevilla na magretiro epektibo Hulyo 31, 2020 batay sa sulat na ipinadala niya sa kanyang employer, pinagtibay pa rin ng mataas na hukuman na ilegal ang dismissal dahil tinanggihan ng paaralan ang kanyang ninanais na retirement terms.
‎
‎Binigyang-diin ng SC na ang optional retirement plan ay dapat nakabatay sa mutual at boluntaryong kasunduan, kung saan malaya at malinaw na pumapayag ang empleyado nang walang pressure o pamimilit, dahil ang pagtanggap sa optional retirement ay nangangahulugan ng pagtalikod sa karapatan sa security of tenure.
‎
‎Inatasan ang Colegio de San Juan de Letran – Laguna na bayaran si Ondevilla ng buong backwages mula Agosto 29, 2019 hanggang Agosto 29, 2024. Idineklara rin siyang entitled sa separation pay sa halip na reinstatement.
‎
‎Bukod dito, iginawad ng SC sa kanya ang retirement benefits para sa kanyang panahon ng pagtatrabaho mula Hunyo 16, 2004 hanggang Agosto 29, 2024, nang umabot siya sa mandatory retirement age na 65.
‎
‎Isinulat ang desisyon ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando at ipinahayag noong Hunyo 2026 at nai-post sa social media noong Oktubre 27, 2026. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here