MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga benepisaryo ng bagong housing units na pangalagaan ang kanilang mga tahanan at pagyamanin ang pagkakaisa sa loob ng kanilang komunidad.
Ang mga benepisyaryo ay pawang informal settler families na na-displace dahil sa pagtatayo ng Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project sa San Pablo City, Laguna.
“May tahanan na po kayong matatawag ninyong sarili ninyo, pag-aari ninyo. Kaya ang pakiusap ko lang sa inyo: alagaan naman ninyo ang mga tahanang ito at mahalin ninyo ang inyong komunidad,” ani Pangulong Marcos.
Pinangunahan ng Pangulo nitong Lunes, Setyembre 15, ang inagurasyon at turnover ng 1,099 bagong housing units para sa mga naapektuhan ng proyekto.
Ang P769-milyong St. Barts Southville Heights Housing Project, na pinondohan sa pamamagitan ng trust fund ng Department of Transportation (DOTr) at ipinatupad ng National Housing Authority (NHA), ay natapos noong Hunyo 2025, matapos simulan bago matapos ang 2023.
Bawat pamilyang benepisyaryo ay nakatanggap ng isang row house unit sa 40.5-square-meter lot na may kasamang basic water at power connections.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ang programa ay sumisimbolo ng “a new beginning” para sa mga pamilyang naapektuhan ng malalaking imprastraktura ng gobyerno.
“Kasama ng pagbubukas ng mga pintuan sa bagong tahanan ay ang bagong pag-asa para sa napakaraming pamilya,” aniya.
Binigyang-diin din ng Chief Executive na ang housing projects ay hindi dapat tumigil sa pagbibigay ng shelter kundi magtayo ng isang kumpletong komunidad.
“Kaya po pagka sinabi natin ‘housing project,’ hindi lang po ibig sabihin ay may bahay. Ibig sabihin, isang buong komunidad ang ating binubuo,” wika niya.
Kabilang sa site ang mga pasilidad na kasalukuyang nasa ilalim ng konstruksyon gaya ng three-storey elementary school, daycare center, health center, livelihood training center, covered court, wet at dry market, tricycle terminal, at material recovery facility.
Tinukoy ng Pangulo na ang mga amenities na ito ay nakaayon sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program, na naglalayong maghatid ng marangal na pabahay sa buong bansa.
Binigyang-diin din niya ang Republic Act 12216 o NHA Act na nilagdaan noong Mayo, na nagpapalawig sa mandato ng ahensiya para sa panibagong 25 taon.
“Walang iniiwan. Walang isinasantabi. At walang pinapabayaan. Iyan ang prinsipyo ng ating Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program—pabahay na may dignidad,” ani Pangulong Marcos.
Samantala, ang PNR South Long Haul Project, isang 577-kilometer, 33-station rail line mula Metro Manila hanggang Bicol, ay inaasahang magpapabilis ng biyahe papuntang Legazpi City sa Albay at magpapalakas ng economic opportunities sa Southern Luzon. (Kris Jose)