MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kontratistang nasa likod ng mga substandard infrastructure projects, partikular na sa mga flood control project, na ayusin at muling gawin ang kanilang trabaho gamit ang sarili nilang gastos.
Sa isang press conference sa Kalayaan Hall ng Malacañang nitong Lunes, Setyembre 15, sinabi ni Pangulong Marcos na ang mga government project ay mayroong “warranty” na dapat kilalanin at tanggapin ng mga kontratista sakaling magka-aberya o depekto ang kanilang ipinasa.
“Kahit sinabi nilang completed, kapag nadiskubre na hindi tama ang pagkakagawa, they still have to respect, they still have to honor the warranty that they have given us to complete the project properly,” pahayag ng Pangulo.
Tiniyak din ni Marcos na hindi niya papayagang makalusot ang mga tiwaling kontratista.
“We can still go back to them at sasabihin natin sa kanila, ‘balikan ninyo iyong walang kuwentang project na ginawa ninyo at ayusin ninyo nang maayos, out of your own pocket,’” aniya.
Dagdag pa ng Chief Executive, tututukan ng bagong likhang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang “accountability at financial losses.”
“Don’t politicize this, it’s simple numbers lang ito. Magkano ang ninakaw na pera ng mga balasubas na ito. That is what we need to know, that is what we need to fix,” giit ni Marcos.
Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na maaaring kasuhan ang mga responsable base sa magiging findings ng ICI.
Itinatag ang komisyon kasunod ng pagbubunyag ng iregularidad sa multi-bilyong pisong flood control projects na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang 2025 State of the Nation Address. (Kris Jose)