Home NATIONWIDE Ethics complaint vs. Rep. Kiko Barzaga ihahain ng NUP

Ethics complaint vs. Rep. Kiko Barzaga ihahain ng NUP

297
0

Manila, Philippines – Sasampahan ng pormal na reklamo sa House Ethics and Privileges Committee si Dasmariñas Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.

Ito ang ipinahayag ng National Unity Party (NUP) sa Kamara sa pangunguna ni Antipolo Rep. Ronaldo Puno, kasunod ng mga post ni Barzaga sa social media na anila’y hindi akma sa isang mambabatas.

Kabilang sa mga ebidensyang hawak ng NUP laban kay Barzaga ang umano’y kawalan ng respeto nito sa liderato ng Kamara. Pinakahuli umano ay ang biglaang pagpasok ni Barzaga sa opisina ni Majority Leader Sandro Marcos upang ipahayag sa mga kasamahan na siya ay tatakbo bilang Speaker ng Kamara.

“Kaninang tanghali, pumasok siya (Rep. Kiko) sa opisina ni Majority Leader, sinara niya ang pintuan tapos sabi niya, ‘everybody sit down, I want to tell you about my plans on what to do in Congress. I am running for Speaker.’ Tapos lumapit siya sa isa, sabi niya, ‘if you will join me, I will make you Deputy Speaker,’” pagbabahagi ni Puno.

Ayon pa kay Puno, hindi gaanong nag-react ang mga kongresista, kabilang si Rep. Marcos, sa ginawa ni Barzaga.

Sa isang press conference, sinabi ni Puno na lumalala na umano ang mga kilos ni Barzaga, kabilang ang pagpo-post ng mga malalaswang larawan at mga paninira laban sa liderato ng Kongreso, pati na kina Senate President Tito Sotto at Senate Pro-Tempore Panfilo Lacson.

Matatandaang nagbitiw si Barzaga sa NUP at sa majority bloc matapos madismaya sa liderato ni House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.

Aminado naman si Puno na may ilan pang miyembro ng NUP ang tutol sa paghahain ng reklamo laban kay Barzaga sa Ethics Committee.

“Dati pinababayaan lang namin, pero lumalaki nang lumalaki, nagti-trending daw. Ok lang naman iyon, kaya lang parang nasisingil kami sa NUP. Bakit naman nagdala kami ng members na ganoon ang sasabihin, hindi lang tungkol sa Kongreso kundi sa buong gobyerno. At parang he is not well. I think everybody sees that, parang all is not right,” ani Puno.

Ipinakita rin ni Puno sa media ang mga Facebook post ni Barzaga, kabilang ang mga komento at malalaswang pahayag nito laban sa gobyerno.

Aniya, isinaalang-alang lamang ng NUP ang pagiging malapit nila kay Mayor Jenny Barzaga, ina ni Rep. Kiko, at sa yumaong ama nitong si dating Cong. Elpidio Barzaga.

“For us who are there, hindi ganoon ang gagawin ko, parang wala sa lugar, parang hindi dapat maging aksyon ng isang congressman. Ito ang ipinag-aalala namin na baka akalain ng ating mga kababayan, lalo na ngayon na Congress is under siege, na lahat kami ay under the microscope, tinitingnan kami tungkol sa aming behavior and everything,” dagdag pa ni Puno.

Hindi pa binanggit kung kailan pormal na ihahain ang reklamo sa Ethics Committee, ngunit patuloy aniya ang konsultasyon sa mga miyembro ng partido at sa mayorya sa Kamara. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here