Home NATIONWIDE Usapang kapalit ni VP Sara ‘premature’ habang may impeachment trial — spox

Usapang kapalit ni VP Sara ‘premature’ habang may impeachment trial — spox

1
0

MANILA, Philippines – Tinawag na “premature” ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte ang mga pag-uusap hinggil sa posibleng papalit sa kanya habang nagpapatuloy pa ang impeachment trial.

Ayon kay Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ang mga isyung may kinalaman sa pagiging patas ng Senate impeachment court, sa constitutionality ng conviction threshold, at sa mga alegasyon ng paglabag sa due process.

Kinuwestiyon din ni Panelo ang impartiality ng ilang senador na nagsisilbing judges sa impeachment court.

Binanggit din niya ang Social Weather Stations survey noong Setyembre 21 hanggang 27 kung saan 28% umano ng mga Pilipino ang may tiwala na makapagbibigay ng patas na hatol ang Senate impeachment court.

Giit pa ni Panelo, hindi umano makatutulong sa mas mahahalagang problema ng bansa ang pag-uusap tungkol sa posibleng kapalit ng Bise Presidente.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi pa tinatalakay o isinasaalang-alang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibleng replacement ni Duterte.

Nagpahayag naman dati sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Francis “Chiz” Escudero ng kanilang posisyon kaugnay sa posibleng vice presidential vacancy.

Sa ilalim ng Konstitusyon, kapag nabakante ang puwesto ng Bise Presidente, maaaring mag-nominate ang Pangulo ng kapalit na kailangang kumpirmahin ng mayorya ng Senado at Kamara. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here