MANILA, Philippines – Inihayag ni Public Works Secretary Vince Dizon na hihilingin niya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipasara ang mga ari-arian ng 25 opisyal at kontraktor ng DPWH na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
“Hindi enough na matanggal sa trabaho. Hindi rin enough na makasuhan at makulong. Ang kailangan maibalik ‘yung pera ng mga kababayan natin,” sabi ni Dizon sa panayam ng DZMM.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Hernandez, at 18 pang kawani ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, dahil sa pagbabayad para sa ghost at substandard projects. Kasama rin ang mga kontraktor mula sa Syms Construction Trading, Wawao Builders, St. Timothy Construction, at IM Construction Corporation.
Ayon kay Dizon, may ilang tauhan ng DPWH ang natanggal na at mas marami pang haharap sa dismissal. Giit niya, mahalagang i-freeze ang assets upang hindi ma-withdraw ang bilyong pisong ninakaw, at pati mga ari-arian ng kanilang pamilya ay tututukan din.
“These cases are non-bailable and carry life imprisonment,” aniya, sabay banggit na tutulungan ng bagong tatag na independent commission ang mas malawak na imbestigasyon laban sa korapsyon. RNT