MANILA, Philippines – Aabot sa mahigit 500 bagong sundalo ang idinagdag sa listahan ng Philippine Army (PA) noong katapusan ng linggo, na higit pang magpapalakas sa mga kakayahan nitong pangdepensa at humanitarian assistance disaster response (HADR).
Sa isang pahayag noong Lunes, sinabi ni PA spokesperson Col. Louie Dema-ala na tinanggap nila sa serbisyo ang 553 bagong trooper na pormal na nagtapos ng kanilang apat na buwang Basic Military Training (BMT) sa seremonya sa Makabulos Grandstand sa Camp O’Donnell, Capas, Tarlac noong Setyembre 12.
Kaugnay nito, sinabi ni Dema-ala na ang mga bagong sundalo ay ipapakalat sa mga pangunahing yunit ng PA sa buong bansa.
Ayon pa sa Philippine Army, ang mga bagong sundalo ay bahagi ng Candidate Soldiers Course (CSC) “Masin-Talas” Class 797-2025.
Nabatid na ang klase, na nagsimula ng kanilang pagsasanay sa militar noong Mayo 2, ay binubuo ng unang batch ng quota ngayong taon na 2,257 na kandidatong sundalo.
Ang mga bagong sundalo ay kabilang din sa ikaanim na batch na nagtapos ng kanilang BMT sa ilalim ng One Training Factory Program. (Santi Celario)