MANILA, Philippines – Isang babaeng angkas ang namatay habang sugatan naman ang driver nito makaraang mahulog sila sa sinasakyang motorsiklo hanggang sa nagulungan ng isang Mitsubishi closed van na kasalubong sa kahabaan ng Gen. Trias Drive, Brgy. San Juan, General Trias City, Cavite.
Sa report, isinugod ang biktimang si alyas Mark, 28, driver ng motorsiklong Honda, at angkas nitong si alyas Gean, 31, kapwa residente ng Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite. Subalit idineklarang dead on arrival ang huli dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Base sa pulisya, nasa kustodiya na ang driver ng Mitsubishi closed van truck na may plakang NCK 8694 na si alyas Melvin.
Sa ulat, bandang alas-12:30 kahapon ng madaling araw nang naganap ang insidente sa nasabing lugar kung saan kapwa binabagtas ng mga biktima ang kalsada.
Batay sa imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo ang outer lane habang ang driver ng closed van ay nasa inner lane. Pagsapit sa lugar, napadaan ang motorsiklo sa sirang kalsada at agad na nagmenor ang driver nito, dahilan upang mahulog ang angkas at magulungan ng minamanehong closed van truck.
Kaagad na isinugod ang mga biktima sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival ang angkas. Margie Bautista