Manila, Philippines – Payo na rin daw ng manager ni Geneva Cruz na si Arnold Vegafria na ipagpaliban ang kanyang #GenEvolution concert sa Museum Museum.
Post ni Geneva, nais niyang sundin ang kanyang “moral compass,” bukod sa pag-alala sa kaligtasan ng kanyang mga followers na sasama sa rally.
Layunin ng malawakang protesta na ikondena ang kasakiman at palpak na liderato ng gobyerno sa pagsugpo sa korapsyon.
Tungkulin din daw ni Geneva ito bilang Air Force reservist.
Kasama sa kanyang sinumpaang tungkulin ang unahin ang pagmamahal sa Diyos at sa bansa.
Ipinost din ni Geneva ang lyrics ng awiting Paraiso na pinasikat ng grupong dati niyang kinabibilangan, ang Smokey Mountain.
Wala raw dapat ikabahala ang mga bumili na ng tickets sa kanyang concert dahil io-honor ang mga ito sa petsa kung kailan itutuloy ang pagtatanghal.
Parami na nang parami ang mga nakikibahagi sa kilos-protesta bilang pagkondena sa walang habas na katiwalian na ang mga pasimuno pa man din ay mga lider ng bansa.
“Let’s stand united in truth and justice!” panawagan ni Geneva sa kanyang mga kababayan.