MANILA, Philippines – Nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council (MMC) na pinamumunuan ni San Juan City Mayor Francis Zamora na magtatakda ng ₱5,000 na multa sa lahat ng LGU sa Metro Manila para sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura.
Ayon kay Zamora, layon ng mas mataas na multa na disiplinahin ang publiko at maiwasan ang pagbaha dulot ng baradong daluyan ng tubig. “Kung hindi po natin didisiplinahin ang ating mga mamamayan… paulit-ulit tayong babahain. Pagkatapos humupa ang baha, tambak ng basura ang naiiwan,” aniya.
Sa San Juan, tinaas mula ₱3,000 hanggang ₱5,000 ang multa para sa mga indibidwal, habang nananatiling ₱5,000 ang parusa sa mga establisimyento. Sa Pateros naman, ₱2,500 pa rin ang ipapataw bilang multa. May kapangyarihan na ring magbigay ng violation tickets ang barangay officials at pulisya.
Paalala ni Zamora: “Huwag magtapon ng basura sa mga ilog, creek, kanal at daluyan ng tubig dahil ito ang pangunahing sanhi ng paulit-ulit na pagbaha sa Metro Manila.” RNT