Home NATIONWIDE Safety certificate ng cargo vessel na sumadsad sa Palawan, sinuspinde ng MARINA

Safety certificate ng cargo vessel na sumadsad sa Palawan, sinuspinde ng MARINA

1
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Cargo Ship Safety Certificate (CSSC) ng ML “BAHAGIA” matapos itong sumadsad at magtamo ng pinsala sa hull sa karagatan ng Cagayancillo, Palawan noong Nobyembre 26, 2026.

Ipinag-utos ni MARINA OIC Administrator Usec. Markus Lacanilao ang suspensyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Transportation Secretary Vince Dizon na paigtingin ang kaligtasan sa karagatan at tiyaking sumusunod sa mga pamantayan ang mga barkong naglalayag sa Philippine waters.

“Alinsunod sa direktiba ng ating Pangulo at ni Secretary Dizon, hindi tayo mag-aatubiling magsuspinde ng mga barkong nasasangkot sa insidente upang matiyak na hindi sila makapaglalayag hangga’t hindi napapatunayang ligtas at seaworthy.”

Batay sa paunang ulat, bumangga ang barko sa isang underwater rock formation malapit sa Dondonay Island, dahilan upang masira ang starboard hull nito at pasukin ng tubig.

Rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP), at natukoy na ligtas ang lahat ng tripulante. Wala namang naiulat na nasawi.

Sa ilalim ng suspension order, hindi muna maaaring maglayag ang ML “BAHAGIA” hanggang sa susunod na abiso. Humingi rin ng tulong ang MARINA sa PCG upang matiyak ang pagpapatupad ng kautusan.

Kailangan munang sumailalim ang barko sa masusing safety inspection at evaluation ng MARINA inspector o surveyor upang matukoy kung ligtas pa itong maglayag.

Maaari lamang alisin ang suspensyon kapag napatunayang natugunan na ng barko ang lahat ng kinakailangang safety requirements. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here