MANILA, Philippines – Ipinaalala ng Malacañang kina Senador Imee Marcos at Robin Padilla na ang buong sambayanang Pilipino ang kanilang pinagsisilbihan at hindi lamang si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte o ang mga umano’y kasabwat nito sa extrajudicial killings.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dapat ding isaalang-alang ng dalawang senador ang mga biktima ng mga pagpatay noong administrasyon ni Duterte na naghahanap ng katarungan.
“Dapat na isipin nating lahat na may mga biktima sa karumaldumal na patayan sa panahon ni dating Pangulong Duterte na naghahanap ng tunay na hustisya,” ani Castro.
Dagdag pa niya, hindi dapat idamay ang buong Pilipinas sa personal na saloobin ng mga senador.
“Sa tunay na hustisya makakamit ang totoong katahimikan at pag-usad sa buhay at hindi sa pagtatakip ng kasalanan ng kaibigan o ng kanilang poon,” diing pahayag ni Castro.
Tugon ito sa paghahain nina Marcos at Padilla ng Senate Resolution No. 797 noong Nobyembre 25, na humihimok sa ehekutibo na agad itigil ang lahat ng pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) at gamitin ang mga legal at diplomatikong paraan upang mapalaya at maibalik sa Pilipinas si Duterte.
Hiniling din ng dalawang senador na itigil ang mga hakbang para ipatupad ang arrest warrant ng ICC laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa kanilang resolusyon, iginiit nina Marcos at Padilla na tuluyan nang natapos ang pagiging kasapi ng Pilipinas sa Rome Statute matapos umatras ang bansa rito noong 2019.
Binanggit din nila ang pagkakaaresto kay Duterte at pagkakakulong nito sa kustodiya ng ICC sa The Hague, Netherlands, gayundin ang mga hakbang ng mga awtoridad upang hanapin at arestuhin si Dela Rosa para isuko sa naturang hukuman.
Inilahad din ng mga senador ang magkasanib na deklarasyon nina United States President Donald Trump, Russian President Vladimir Putin at Chinese President Xi Jinping na anila’y kumikilala sa prinsipyo ng pahintulot ng estado at legal na proteksiyon ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ayon sa kanila, dapat muling suriin ng Pilipinas ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa ICC, lalo na sa mga usaping may kinalaman sa pag-aresto kina Duterte at Dela Rosa.
“Ang paghahangad ng katarungan at pananagutan ay dapat manatiling naaayon sa Konstitusyon, sa pangangalaga ng mga pangunahing karapatan, at sa soberanong karapatan ng Pilipinas na ipatupad ang katarungan sa pamamagitan ng sarili nitong mga institusyon, nang hindi isinasantabi ang pananagutan para sa mga krimeng maaaring parusahan sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” pahayag ng dalawang senador. Kris Jose