DIPOLOG CITY, Philippines – Arestado ang isang 36-anyos na hinihinalang high-value drug individual matapos makumpiska ang humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Dipolog City, Zamboanga del Norte, nitong Biyernes ng gabi, Nobyembre 27.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Pekyu,” residente ng Barangay Calarian, Zamboanga City.
Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit 9 at Drug Enforcement Team ng Dipolog City Police Station ang operasyon dakong alas-7:17 ng gabi sa South Proper, Barangay Galas.
Sinabi ni Lt. Col. Khisna Asaali ng Drug Enforcement Team na nakumpiska sa suspek ang isang heat-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng tinatayang 1,000 gramo ng puting kristal na hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P6.8 milyon batay sa standard drug price ng Dangerous Drugs Board.
Nasamsam din ang isang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang marked money, 999 piraso ng boodle money na magkakapareho ang serial number, isang orange eco bag, brown paper bag at lisensya sa pagmamaneho.
Dinala ang nakumpiskang hinihinalang droga sa Zamboanga del Norte Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Sumailalim naman sa medical at drug testing ang suspek bago ikulong sa Dipolog City Police Station. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/MDS