Home NATIONWIDE Direktang pagbili ng gobyerno sa magsasaka, dagdag cold storage, magpapabababa sa presyo...

Direktang pagbili ng gobyerno sa magsasaka, dagdag cold storage, magpapabababa sa presyo ng pagkain – Pangilinan

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Francis ” Kiko” Pangilinan ang direktang pagbili ng gobyerno sa magsasaka, pinalawak na food hubs, at karagdagang cold storage facilities upang makatulong na tugunan ang mababang farm-gate prices, at bawasan ang agwat sa pagitan ng kinikita ng magsasaka at  binabayaran ng konsyumer para sa pagkain.

Sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Agriculture (DA), tumugon si Pangilinan sa pangamba ni Sen. Erwin Tulfo na madalas ibenta ng mga magsasaka at agricultural producers ang kanilang mga produkto sa mababang presyo, kahit doble o triple ang binabayaran ng mga konsyumer sa mga pampublikong pamilihan.

Sinabi ni Pangilinan na may mga programa ang DA na nag-uugnay sa mga magsasaka nang direkta sa mga mamimili, kabilang ang food hubs at ang Kadiwa program.

Binanggit din niya ang buong pagpapatupad ng Sagip Saka Act, na nagpapahintulot sa mga ahensya ng gobyerno at local government units na bumili ng mga produktong agrikultural direkta mula sa mga accredited farmers’ cooperatives at associations.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang direktang pagbili ng Quezon City government ng bigas mula sa dalawang farmers’ cooperatives para sa Rice for All program nito.

Bumili ang lungsod ng ₱52 milyong halaga ng bigas mula sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative at isa pang ₱68 milyong halaga mula sa Sta. Peregrina Multipurpose Cooperative.

Binanggit din ni Pangilinan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na tinukoy ng Department of Budget and Management bilang pinakamalaking mamimili ng gobyerno ng mga produktong agrikultural sa ilalim ng Sagip Saka Act.

Iniulat na bumili ang DSWD ng humigit-kumulang ₱2.3 bilyon na halaga ng mga produktong agrikultural.

Nagsusumikap ang Senate committee na palawakin ang kaayusang ito sa pamamagitan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng DA at DSWD sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), na naghihikayat sa mas maraming ahensya ng gobyerno na kumuha ng pagkain direkta mula sa magsasaka at kanilang kooperatiba.

Tinutugunan din ng mga panukalang hakbang ang problema ng mga magsasakang napipilitang ibenta ang kanilang mga ani sa mababang presyo dahil kulang sila sa mga pasilidad upang iimbak at panatilihin ang kanilang mga produkto.

Sinabi ni Pangilinan na itinaas ng Senate committee ang panukalang alokasyon para sa cold storage facilities mula ₱1.25 bilyon hanggang ₱2.3 bilyon.

Ipinaliwanag niya na ang wastong imbakan ay maaaring pumigil sa pagkasira ng mga produktong agrikultural kaagad pagkatapos ng pag-aani, na magbibigay sa magsasaka ng mas maraming oras at flexibility upang ibenta ang kanilang produkto sa halip na tumanggap ng napakababang presyo.

Nagbibigay din ang DA ng rice processing at mechanical dryer systems sa mga kooperatiba ng mga magsasaka upang pagbutihin ang kalidad ng kanilang ani at tulungan silang makakuha ng mas magandang presyo sa pagbebenta.

“Pag direkta na at meron nang cold storage at may post-harvest facilities, mas maganda ang magiging presyuhan ng benta ng produkto ng ating mga magsasaka at mangingisda,” sabi ni Pangilinan.

Idinagdag niya na ang mga interbensyong ito ay naglalayong bawasan ang mga layer ng intermediaries sa pagitan ng mga producers at buyers, pagbutihin ang kita ng magsasaka, at makatulong na gawing mas makatwiran ang presyo ng pagkain para sa konsyumer.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here