MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya sa Rizal ang isang mag-asawa matapos umano nilang tangkaing suhulan ng ₱1.5 milyon si Jaja Pilarta, kinakasama ng nawawalang sabungero na si John Claude Inonog, para iatras ang kanyang reklamo sa DOJ laban kay negosyanteng Charlie “Atong” Ang at iba pa.
Ayon kay Pilarta, pinapapirma siya sa recantation at pinatitigil sa pagdalo sa mga pagdinig.
“Ang gusto po nila pirmahan ko ‘yun tapos manahimik na ako kapalit ng ₱1.5 million,” aniya.
Tinanggihan niya ang alok.
“Ayoko ng areglo since Day 1… Kawawa naman ‘yung kapatid nila, kawawa naman ‘yung anak niya… Ako na lang ‘yung lumaban,” dagdag niya.
Nalaman na kaanak din umano ni Inonog ang mga suspek, na nahaharap ngayon sa grave coercion at obstruction of justice. CCTV footage ang nagpakita ng paulit-ulit nilang pagbisita sa bahay ni Pilarta.
Sa pagdinig ng budget ng DOJ, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na lalong humihirap ang imbestigasyon dahil sa natatagpuang mga labi sa Taal Lake.
“Araw-araw may nakukuha tayong human remains sa Taal… maraming pamilya pa ng missing sabungeros hindi pa nakukunan ng DNA at marami dyan ay nagpabayad na at nawawala na sila,” pahayag niya. RNT