MANILA, Philippines – Kinansela ng Commission on Appointments (CA) ang nakatakda nitong committee meeting, caucus at plenary session na nakatakda ngayong Miyerkules, Setyembre 17 kasunod ng usapan ng pagpapalit ng liderato sa Kamara.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ex-officio chairman ng CA, ang desisyon ay kasabay ng pakikipag-ugnayan kay CA vice-chairperson at Pangasinan 5th district Rep. Ramon Guico Jr.
“CA vice Chairman Cong Guico called me last night to ask for the cancellation/postponement because according to him, there will be a change in leadership today,” ani Sotto.
Batay sa website, nakatakda sanang ikonsidera ng bicameral body ang ad interim appointment ni Energy Secretary Sharon Garin, alas-10 ng umaga. Nakatakda ring magsagawa ng caucus at plenary session ang komisyon ng alas-12 ng tanghali para pag-usapan ang administrative at iba pang usapin.
Ang CA ay binibigyang-mandato para mag-apruba o pumigil sa mga appointment na ginagawa ng Pangulo, at ang kumpirmasyon ay naaayon sa 1987 Constitution. RNT/JGC