Home NATIONWIDE Visiting forces agreement sa Pilipinas, target ng UK

Visiting forces agreement sa Pilipinas, target ng UK

295
0

MANILA, Philippines — Ipinahayag ng United Kingdom ang interes nitong makipagkasundo sa Pilipinas para sa isang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA), na posibleng magdagdag dito sa tala ng mga bansang may defense pact kay Manila.

Ayon sa Department of National Defense (DND), ipinahayag ni UK Minister of State for Defense Lord Vernon Coaker ang intensyon sa pagpupulong nila ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa Camp Aguinaldo.

Sakaling maisakatuparan, papayagan ng kasunduan ang presensya ng mga dayuhang tropa para sa joint training, territorial patrols, at humanitarian missions.

Sa kasalukuyan, may mga katulad na defense agreement na ang Pilipinas sa Estados Unidos, Australia, at Japan, habang nakapagtapos na rin ng pag-uusap sa Canada. Kasalukuyan namang nakikipagnegosasyon ang bansa sa France.

“Mas marami kang kakampi, mas maganda… Part of the program ni Sec. Teodoro is to conduct international defense and security engagements para magkaroon tayo ng mas maraming partners, lalo na with like-minded nations na may interest din dito sa kapakanan ng South China Sea at West Philippine Sea,” ayon kay DND spokesperson Arsenio Andolong.

Sinabi ni Teodoro na interesado ang British Armed Forces na magsagawa ng multilateral maritime exercises kasama ang Pilipinas.

“We welcome this development because then it will be the second European country that we will be negotiating a SOVFA with,” ani Teodoro, tumutukoy sa ongoing Reciprocal Access Agreement negotiations ng bansa sa France.

Dagdag pa niya, “Underlying that SOVFA is the full support not only for UNCLOS but full support for the arbitral award… That is the clearest expression that a country may have to support our position of the West Philippine Sea.”

Simula nang maupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022, naging mas lantad ang Pilipinas sa pagtutol sa iligal na pagpapalawak ng China sa rehiyon at nakahanap ito ng mga kaalyado na nananawagang igalang ng Beijing ang 2016 arbitral ruling na nagbasura sa 9-dash line claim nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here