MANILA, Philippines – Nanawagan si House Majority Leader Sandro Marcos kay Ako Bicol Rep. Zaldy Co na umuwi at harapin ang mga akusasyong sangkot siya sa korapsyon sa flood control projects at sa umano’y pamimilit sa Department of Agriculture na maglabas ng import permits para sa kanyang negosyo sa isda.
“Ako mismo ang unang magsasabi—dapat siyang umuwi at harapin ang lahat ng alegasyon. Sobra na ang bigat nito at kinakaladkad na sa putik ang Kamara,” ayon kay Marcos.
Nauna nang sinabi ng mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya na humihingi umano si Co ng 25% komisyon sa flood control projects.
Inakusahan din siya ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng pamimilit na magbigay ng import permits sa tatlo niyang kumpanya.
Nilinaw ni Marcos na walang kapangyarihan ang Kamara na pilitin si Co na dumalo, pero maaari siyang isailalim sa ethics complaint at posibleng maharap sa expulsion kung magpapatuloy ang kanyang pagliban—gaya ng nangyari kay dating Negros Oriental Rep. Arnie Teves. RNT