MANILA, Philippines – Dalawa pang bangkay ang narekober ng mga search team mula sa pagguho ng lupa noong Setyembre 14 sa Sitio Tagbulakan, Barangay Mahayahay, San Luis, Agusan del Sur, kaya lima na ang kumpirmadong nasawi.
Kinilala ang mga bagong biktima na sina Helen Abunda, 62, at Daniel Cinco, 24.
Kabilang din sa mga namatay ang asawa ni Helen na si Jerry, ang kanilang apong si Jhon Paul, at ang truck driver na si Junard Gonzales. Isa na lamang, ang motorcycle driver na si Elvin Mantipal, ang patuloy na hinahanap.
Ayon kay San Luis MDRRMO chief Sadat Rivera, nagpapatuloy ang retrieval operations ngunit maingat dahil nananatiling delikado ang mga dalisdis.
Tumutulong sa operasyon ang Philippine Army, PNP, BFP, at mga lokal na MDRRMO. Nagbigay na rin ng ayuda ang DSWD sa mga pamilya ng biktima, kabilang ang food packs at iba pang relief kits. RNT