MANILA, Philippines – Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya at ipinataw ang habambuhay na pagbabawal sa dalawang dating opisyal ng DPWH na sina Henry Alcantara at Brice Hernandez matapos mapatunayang gumamit sila ng pekeng driver’s license na konektado sa anomalya sa flood control project.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, pinatawan din sila ng multang ₱3,000 bawat isa dahil sa Imitation and False Representation sa ilalim ng Land Transportation and Traffic Code.
“The driver’s license of both Mr. Alcantara and Mr. Hernandez are revoked and they are perpetually disqualified,” ani Mendoza.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos lumabas sa Senate hearing na hindi bababa sa limang tauhan ng DPWH sa Bulacan ang gumagamit ng lisensya para makapagsugal sa casino.
Inamin ni Alcantara na gumamit siya ng lisensya sa pangalang Joseph Castro Villegas, habang si Hernandez naman ay gumamit ng lisensya sa pangalang Marvin Santos de Guzman. Kinumpirma rin ito ng mga casino.
Dagdag ni Mendoza, malinaw na alam ng dalawa na peke ang kanilang ginamit na ID, kaya’t itinuturing silang “Improper Persons to Operate a Motor Vehicle.”
Inatasan din silang isuko ang kanilang lisensya na ngayon ay nasa ilalim ng alarm status. RNT