LA UNION, Philippines – Sugatan ang isang 24-anyos na construction worker matapos na pagsasaksakin ng kapuwa niya construction worker sa Santiago, Bauang ng lalawigang ito Martes ng gabi, September 16.
Ayon sa Bauang Municipal Police Station, ang biktima ay residente ng naturang lugar samantalang ang 22-anyos na suspek ay residente naman ng Sison, Pangasinan.
Base sa salaysay ng biktima, alas onse pasado ng gabi ay naramdaman niyang may taong nakapasok sa loob ng kanyang bahay.
Nang tingnan niya kung sino ang pumasok ay bigla na lang siyang sinugod ng suspek na armado ng patalim.
Nagawa naman ng biktimang makalabas mula sa loob ng kanyang bahay para humingi ng tulong sa kanyang kapitbahay ngunit hinabol siya ng suspek at pinagsasaksak.
Pagkatapos pagsasaksakin ang biktima, ang suspek ay mabilis na tumakas dala ang ginamit na patalim.
Ang biktima ay nagtamo ng tatlong stab wounds sa kanyang katawan at isinugod ito sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union. Rolando S. Gamoso