MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos umano siyang akusahang “killer.”
Nagsampa ng reklamo si PCol. Hector Grijaldo laban kay Abante dahil sa umano’y pahayag ng kongresista sa isang TV interview noong Oktubre 29, 2024, kung saan iniuugnay umano siya sa mga pagpatay kaugnay ng war on drugs noong panahon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasama ni Grijaldo sa pagsasampa ng kaso ang kanyang abogado na si Atty. Jyro Go. Ayon kay Go, malinaw na paninirang-puri ang pahayag ni Abante. “Pilit niya ini-impute ang aking kliyente na isang killer…it is very clear case of cyber libel,” giit ni Go.
Binigyang-diin pa ni Go na kailanman ay hindi nasangkot ang kanyang kliyente sa anumang kasong pagpatay. “During that time the Quad Committee in Congress was investigating the war on drugs, the alleged extra judicial killing that happened during the time of former President Rodrigo Roa Duterte… so ini-impute nila ang aking kliyente bilang one of the people who operated that time. But in fact up to this day ay wala pong kasong naisasampa laban sa aking kliyente, whether homicide or murder,” dagdag pa ng abogado.
Ayon pa kay Go, walang basehan ang lahat ng paratang kaya nagsampa sila ng reklamong cyber libel. (Santi Celario)