KUSANG nagbitiw sa wakas bilang House Speaker si Tacloban Rep. Martin Romualdez dahil sa pressure sa napakainit na usapin ngayon tungkol sa flood control controversy.
Ayon sa sources, pinagsabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, si Romualdez na magbitiw na dahil sa mga inaabot na kahihiyan sa tinatawag ngayon na “House of crocs”.
Hindi madali para kay PBBM ang desisyong sabihan ang kanyang pinsang buo pero ito ay pagpapakita ng kanyang liderato at matatag na prinsipyong iligtas ang bansa sa korapsyon. Sana’y simula na ito ng kanyang paglilinis laban sa mga kurakot.
Sobrang galit na galit ang madlang bayan dahil sa higit trilyong pisong pondo na naglaho sa mga guni-guning flood control project na mismong si Pangulong Marcos ang nagbulgar sa kanyang huling SONA.
Mabuting hakbang para sa lahat na isinali ng Pangulo ang taumbayan upang mapabilis ang pag-iimbestiga sa mga maanomalyang proyekto. Nailantad ang maraming palpak na proyekto sa inilunsad niyang “Isumbong sa Pangulo website, kasunod ng ibinunyag niyang 15 contractors ang namunini sa mga kontrata. Kanselado na rin sa wakas ang lisensya ng mga ito at blacklisted na sa DPWH.
Mahigit 16 libo ang isinumbong sa website na patuloy na iniimbestigahan. Iniutos rin ni PBBM ang malawakang lifestyle check sa lahat ng matataas na opisyal ng gobyerno.
May magandang ibinunga ang aksyong ito ng Pangulo. Unang nagbitiw si DPWH Sec. Manuel Bonoan at natuklasan na isa sa kanyang mga anak ay contractor din pala.
Agad iniutos ng pumalit na si Sec. Vince Dizon ang courtesy resignation ng mga opisyal at tauhan ng DPWH. Hindi lamang tinanggap ang pagbibitiw bagkus ay sinampahan pa ng patong-patong na kaso.
Naniniwala tayo na hindi lamang sila mabubulok sa bilangguan, tiyak na babawiin din ng gobyerno ang lahat ng nakaw nilang kayamanan. Sinimulan na nga ito ng Bureau of Customs sa pagsamsam sa luxury cars ng mag-asawang Discaya.
Bagama’t narinig na natin ito, sana’y maging totoo si PBBM na wala siyang sisinuhing mandarambong, maging sila ay kanyang kamag-anak, kakampi at kumpare.
Sa pamamagitan ng binuong Independent Commission for Infrastructure, panagutin niya ang lahat ng kasangkot sa korapsyon. Harinawa, maisaayos ng Pangulo ang takbo ng gobyerno at malinis ito sa katiwalian. Hindi pa huli ang lahat.






