LA UNION, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng isang 46-anyos na lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang nakaparadang sasakyan sa San Fernando City ng lalawigang ito kahapon ng umaga.
Ayon sa San Fernando City Police Station, ang biktima ay isang private contractor na ang nakalagay na postal address niya ay Quezon City.
Minamaneho ng biktima ang kulay puting Yamaha Aerox motorcycle at bumibiyahe papuntang hilagang direksyon nang biglang masagi o mabangga ng motorsiklo ang rear right portion ng isang nakaparadang sasakyan sa tabi ng kalsada.
Dahil dito sumemplang sa kalsada ang motorsiklo kaya nagkandasugat-sugat ang driver nito.
Ang driver ay isinugod sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).
Gayunman, ang driver ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso