MANILA, Philippines – Sinampahan ng kasong cyber libel sa Quezon City Prosecutor’s Office si Manila 6th District Bienvenido “Benny” M. Abante Jr., ng isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) matapos umano siyang akusahang killer.
Nagsampa ng kasong cyber libel si PCol. Hector Grijaldo laban kay Abante makaraang akusahan ng mambabatas ang opisyal na isang killer sa isang interview nito sa isang TV program.
Kaugnay nito pinabulaanan naman ni Grijaldo ang akusasyon kasabay ng pagsasabing kailanman ay hindi pa siya nasasangkot sa kasong pagpatay.
Kasama ni Grijaldo sa pagsasampa ng kaso ang kanyang legal counsel na si Atty. Jyro Go.
Ayon kay Go, noong Oktubre 29, 2024, sa isang interview kay Abante, kanyang ini-impute ang kanyang kliyente bilang isang killer.
“Pilit niya (Abante) ini-impute ang aking kliyente na isang killer…it is very clear case of cyber libel, pahayag ni Go.
Sinabi ni Go, pinaratangan na killer ang kanyang kliyente makaraang pilit siyang isinasangkot sa extra judicial killing noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pero hanggang ngayon ay walang kinahaharap na kasong pagpatay.
“During that time the Quad Committee in Congress was investigating the war on drugs the alleged extra judicial killing that happened during the time of former President Rodrigo Roa Duterte…so ini-impute nila ang aking kliyente bilang one of the people who operated that time but in fact up to this day ay wala pong kasong naisasampa laban sa aking kliyente, whether homicide or murder,” pagdidiin pa ni Go.
Nabatid pa kay Go na ang lahat ng akusasyon ay baseless dahilan para magsampa ng cyber libel. (Santi Celario)