MANILA, Philippines — Ipinadeport na ang 91 Chinese nationals na karamihan ay nahuli sa serye ng raid sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa iba’t ibang panig ng bansa nitong Huwebes, Setyembre 18.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), 103 dapat ang pababalikin sa China ngunit naudlot ang deportasyon ng 12 dahil kulang ito sa implementation orders mula sa Bureau of Immigration.
Bumaba ang mga ito sa flight at muling ibinalik sa kustodiya ng PAOCC.
Karamihan sa mga ipinatapon ay nagtrabaho sa mga POGO site sa Pasay, Parañaque, Biñan (Laguna), Lapu-Lapu City (Cebu), Porac at Mabalacat (Pampanga), at Bamban (Tarlac). Sakay ang mga ito ng flight papuntang Shanghai alas-10:40 ng umaga.
“For sure, makukulong sila doon,” ani PAOCC spokesperson Winston John Casio Mendoza hinggil sa mga deportees.
Batay sa datos ng PAOCC, nasa 2,700 foreign nationals na ang naipa-deport, kabilang ang mahigit 200 Chinese na nananatili pa sa kanilang kustodiya.
Paliwanag ni Mendoza, natatagalan ang ibang deportasyon dahil may nakabinbin na kasong kriminal sa Pilipinas ang ilang banyaga.
“Pag may criminal case kasi sila dito, hindi ka pwedeng i-deport. Kailangan munang harapin mo ang iyong kaso at kung ma-settle na ’yan, that’s the time na pwede kang i-deport,” aniya.
Pinuri naman ng opisyal ang tulong ng Chinese Embassy na sumasalo sa pamasahe at iba pang gastusin ng mga deportee.
Noong 2024, ipinatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang operasyon ng POGOs matapos masangkot sa human trafficking, money laundering, online fraud, kidnapping, at mga kaso ng pagpatay.
Tantiya ng United States Institute of Peace, aabot sa 15,000 katao ang napasok sa industriya ng POGO sa Pilipinas. Karamihan ay ni-recruit sa social media at kalauna’y pinilit sa mga online scam, kung saan ang mga hindi nakakaabot sa quota ay nakararanas umano ng torture. RNT/JGC