Home NATIONWIDE Driver’s license ng abusadong DPWH official, sinuspinde ng LTO

Driver’s license ng abusadong DPWH official, sinuspinde ng LTO

288
0

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inireklamo ng pagmamalabis laban sa isang security guard ng subdivision.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor Mendoza II, pinatawan ng 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng naturang opisyal, o hanggang matapos ang imbestigasyon sa kaso.

Nauna nang sinibak sa puwesto ang nasabing opisyal, na isang abogado, ni dating Department of Transportation (DOTr) Secretary at kasalukuyang DPWH Secretary Vince Dizon.

Batay sa show-cause order (SCO) na inilabas ng LTO, inatasan din ang opisyal na isuko ang kanyang driver’s license bago o sa mismong petsa ng pagdinig sa Setyembre 23.

Nag-ugat ang reklamo sa pahayag ng security guard na sinigawan at minura siya matapos pagbawalan ang opisyal na makapasok sa subdivision noong Agosto 9.

Umalis umano ang opisyal ngunit bumalik at pinaaresto ang guwardiya.

Sa nilagdaang SCO ni LTO Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante, hiniling sa opisyal na magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang lisensya bilang isang “improper person” para magmaneho.

Binalaan din siya na ang kabiguang magbigay ng paliwanag ay ituturing na pag-waive sa kanyang karapatang marinig at pagbabatayan ng LTO ang mga ebidensiya na hawak ng ahensya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here