Home HOME BANNER STORY Higit 20 pulis sa Mayo drug case, mapapalaya na; kasong tanim-ebidensya ibinasura...

Higit 20 pulis sa Mayo drug case, mapapalaya na; kasong tanim-ebidensya ibinasura ng RTC

299
0

MANILA, Philippines – Mapapalaya na ang mahigit 20 pulis na sangkot sa tinaguriang Mayo drug case.

Ito ay matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 175 ang kasong pagtatanim ng ebidensya laban sa mga akusado.

Sinabi ni Judge Danilo Leyva sa resolusyon na may petsang Setyembre 15 na hindi bumuo ng krimen ang impormasyong inihain noong Disyembre 10, 2024, kaya binawi ang mga warrant of arrest na inilabas noong Enero 17, 2025.

Sa kautusan ng korte, inatasan ang PNP Custodial Center sa Camp Crame at Metro Manila District Jail Annex 2 na agad palayain ang mga akusado, kabilang sina PBGen. Narciso Domingo, PMSgt. Rodolfo Mayo Jr., PLtCol. Dhefry Punzalan, at iba pang opisyal at tauhan, maliban kung may iba pa silang kasong kinahaharap.

Ipinag-utos din ng korte na kailangan ding iulat ng mga jail at custodial officers ang petsa ng pagpapalaya sa loob ng limang araw.

Matatandaan na noong Oktubre 9, 2022, nagsimula ang operasyon ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa Tondo, Manila, na nagresulta sa pagkaka-aresto sa suspek na si Ney Saligumba Atadero.

Sa imbestigasyon, itinuro ni Atadero ang imbakan ng droga sa opisina ng Wealth and Personal Development Lending Inc. sa Sta. Cruz, na nag-ugnay sa ilang indibidwal, kabilang ang may-ari na si PMSgt. Rodolfo Mayo Jr kung saan narekober ng pulisya ang humigit-kumulang 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon.

Kinagabihan, bandang alas-9, nasakote rin ang suspek na si Juden Francisco at pito pang iba sa Pasig City.

Sa sumunod na operasyon, nahuli si Mayo sa Quezon Bridge, Quiapo, kung saan nasabat ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon.

Noong Nobyembre 23, 2022, sampung tauhan ng PDEG kabilang si Mayo ang inalis sa pwesto matapos maiugnay sa illegal drug trade.

Ang pagbabasura ng kaso ay malaking kaganapan sa kontrobersiyal na insidente na nag-ugat sa mga malakihang drug bust at mga alegasyon ng katiwalian sa loob ng PDEG. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here