MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na nag-aalala pa rin ang kanyang ama, dating pangulong Rodrigo Duterte, sa lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa kahit nakakulong ito sa The Hague, Netherlands.
“Nag-alala siya sa mga pangyayari sa Pilipinas sa korapsyon. Tinatanong niya ako kung anong ginagawa,” ani ng Bise Presidente tungkol sa kanilang pag-uusap noong Setyembre 19.
Sinabi rin niya na naghihintay sila ng dalawang desisyon mula sa ICC: ang hamon sa hurisdiksyon sa kaso ng drug war, at ang kanilang hiling na pansamantalang palayain si Duterte sa isang third-party country. “Merong isang bansa na nagsabi na okay lang na dito ilagay si dating pangulong Duterte,” dagdag niya, ngunit nilinaw na hindi ito sa Japan.
Naantala ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23 matapos igiit ng abogado ni Duterte na hindi siya fit humarap sa paglilitis dahil sa humihinang memorya at kalusugan.
Ibinahagi rin ni Sara na tuwang-tuwa ang dating pangulo sa pagbisita ng kanyang dating asawa, si Elizabeth Zimmerman, na nananatili raw silang maayos ang ugnayan kahit annulled na ang kanilang kasal. RNT