MANILA, Philippines – Arestado ang 40-anyos na lalaki matapos pagsusuntukin at molestiyahin ang 20-anyos na babaeng estudyante sa isang footbridge sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Ian,” residente ng Brgy. Gen. T. De Leon.
Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-9 ng gabi noong Miyerkules, Setyembre 17, sa ibabaw ng M. Delos Reyes Footbridge sa Brgy. Gen. T. De Leon habang naglalakad pauwi ang estudyante.
Sinalubong ng suspek ang dalaga at bigla na lamang sinuntok sa tiyan nang walang dahilan na naging sanhi para bumagsak ang biktima.
Nang tangkain nitong tumayo para ipagpatuloy ang paglalakad ay muli siyang binalikan ng lalaki saka itinulak, dahilan para muling mahandusay ang biktima.
Dito na siya kinubabawan at ginawan ng kahalayan ng lalaki subalit nanlaban ang biktima kaya muli siyang pinagsasapak ng suspek sa ulo bago mabilis na tumakas.
Nang makarating sa kaalaman ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang nag-viral na video ng biktima kung saan nakita ang pananapak, panggugulpi, at panghihipo ng suspek sa maselang parte ng katawan ng dalaga na noon ay nakahandusay sa footbridge, agad niyang iniutos kay Col. Talento ang pagtugis sa suspek.
Sa tulong ng mga kuha ng CCTV, nasundan ng mga tauhan ni Col. Talento ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakadakip Huwebes ng gabi, kung saan positibo siyang kinilala ng biktima nang iharap ng mga pulis kay Mayor Gatchalian nitong Biyernes ng hapon.
Sinampahan na ng pulisya ang suspek ng kasong Acts of Lasciviousness at Physical Injuries sa Valenzuela City Prosecutor’s Office, habang napag-alaman na dati na rin itong nakulong sa kaso ng ilegal na droga at ilegal na sugal.