BATAAN, Philippines – Dalawa ang kumpirmadong patay habang dalawang ang sugatan matapos magbanggaan ang isang van at traysikel kolong-kolong nitong linggo ng madaling araw sa bahagi ng Gapan Olongapo Road, Barangay Sta. Isabel, Dinalupihan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 3:20 ng madaling araw ng maganap ang aksidente.
Head on Collision ang dahilan ng aksidente, matapos umanong maagaw ng traysikel ang kabilang linya ng kalsada na tiyempong paparating ang kasalubong van kung saan nagpang-abot ang dalawang sasakyan.
Sa lakas ng impact ng banggaan, tumilapon ang apat na sakay traysikel kabilang ang driver at tatlong sakay nito na pawang mga construction worker.
Sa tindi ng banggaan, pumalipit ang traysikel habang napinsala rin ang harapang bahagi ng van.
Isinugod sa pagamutan ang mga sugatan sa aksidente subalit dalawa sa mga ito ang idineklarang Dead on Arrival (DoA).
Nasa kustodiya na nang pulisya ang driver ng van na nahaharap sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Physical Injuries at Damage to properties. (ROEL TARAYAO)