MANILA, Philippines – Itinuro ni Department of Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda ang grupong ”Anonymous PH” na nasa likod ng Black Mask protest nitong Linggo, Setyembre 21.
Sa press briefing, sinabi ni Aguda na ito ay batay sa intelligence information na nakalap ng ahensya.
May persons of interest na rin ang pamahalaan kasunod ng marahas na demonstrasyon sa Maynila.
”Una sa lahat, malinaw ang direktiba ng Pangulo – igalang at protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag. Kaugnay nito, nitong weekend nagkaroon ng malawakang kilos-protesta. Kabilang ang tinatawag na “Black Mask March,” ito iyong mga ‘Team Itim’ na nasabi nga ni Usec. Claire,” ani Aguda.
”Ito ay unang kumalat mula sa grupong ‘Anonymous PH,’ ito po’y isang aktibong activist na grupo. Nakikipag-ugnayan po ako doon sa mga tao sa Anonymous PH, hindi pa po sila nagdi-disavow kung sila nga o hindi sila iyong gumawa nito pero may mga persons of interest na po tayo na minamatyagan,” dagdag pa niya. RNT/JGC