MANILA, Philippines – Target ng Commission on Elections (Comelec) na makapagtala ng tatlong milyong bagong botante sa loob ng walong buwang registration period para sa 2028 national and local elections.
Magsisimula ang voter registration sa Nobyembre 10 at magtatapos sa Hulyo 30, 2027.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, layunin nilang madagdagan ang kasalukuyang 71 milyong botante sa bansa at umabot ito sa 74 milyon bago ang 2028 elections.
Ilulunsad ang pagpaparehistro sa pamamagitan ng Register Anywhere Program sa Luneta Park sa Nobyembre 10, na tatagal nang tatlong araw.
Tiwala si Garcia na maaabot ang target dahil nakapagtala na ang Comelec ng apat na milyong bagong botante sa mas maikling panahon sa nakaraan.
Kabilang sa mga valid identification na maaaring gamitin sa pagpaparehistro ang national ID, driver’s license, passport, library card, police clearance, NBI clearance at senior citizens’ ID. Hindi naman tatanggapin ang barangay certification at community tax certificate o cedula bilang patunay ng pagkakakilanlan.
Pansamantala namang sususpindihin ang voter registration sa Naga City at Batanes dahil sa nakatakdang plebiscite at special elections sa mga lugar na ito.
Ayon kay Garcia, magpapatuloy ang pagpaparehistro isang linggo matapos ang kani-kanilang electoral activities upang maiwasan ang kalituhan sa kwalipikasyon ng mga botante.
Sinabi rin niyang sasagutin ng Comelec ang P30 milyon sa tinatayang P50 milyong gastos para sa plebiscite sa Naga City dahil P20 milyon lamang ang kayang ilaan ng lokal na pamahalaan.
Umaasa ang komisyon na makukuha ang bahagi ng lokal na pamahalaan sa halagang P20 milyon sa kanilang pagbisita sa susunod na linggo.
Magsasagawa rin ang Comelec ng voter registration sa Legazpi City kasunod ng pagdalo ni Garcia sa command conference sa Naga City mula Nobyembre 9 hanggang 11.
Samantala, susubukan ng Comelec ang bagong paraan ng pagpapadala ng resulta ng halalan sa malalayong lugar ng Batanes sa nalalapit na special elections.
Sa ilalim ng panukalang sistema, ipapadala ng municipal boards of canvassers ang resulta sa pamamagitan ng text message sa halip na hintayin ang aktuwal na pagdating ng mga dokumento, na maaaring abutin ng ilang oras dahil sa layo ng mga munisipalidad.
Gayunman, isusumite pa rin ang mga hard copy ng resulta para sa beripikasyon.
Ayon kay Garcia, susuriin ng Comelec ang pilot implementation para malaman kung maaari itong gamitin sa mga susunod na manual elections, basta’t may pahintulot ng mga political party at kandidato.
Sinabi rin ni Garcia na pananagutin ng Comelec ang mga sangkot sa umano’y iregularidad sa automated elections.
“Asahan niyo po yan that Comelec will not rest and settle for nothing less. We will definitely demand liability and accountability on this matter,” aniya.
Naghihintay na ang komisyon sa mga sagot ng mga miyembro ng electoral board na iniimbestigahan matapos magsumite ng kanilang paliwanag ang iba pang mga indibidwal na kinuwestiyon.
Sisiyasatin din ng Comelec ang mga reklamo mula sa Bangsamoro region, partikular sa Special Geographic Area at Cotabato City, kaugnay ng umano’y hindi pangkaraniwang taas ng voter turnout.
Paghahambingin ang mga lagda at fingerprint sa mga rekord ng pagboto upang matukoy kung may ibang bumoto para sa mga rehistradong botante.
“Somebody voted for or on behalf of the voter. So ‘yan po malalaman natin,” ani Garcia.
Sinabi rin ni Garcia na muling pag-aaralan ng Comelec ang nauna nitong desisyon na alisin sa listahan ang ilang party-list group.
“Binago namin ang rules, naging liberal tayo,” ani Garcia.
“Itong frontliners (party-list), nireconsider namin [ang] original decision namin at ni-reinstate namin ang kanilang pangalan sa listahan. ‘Yong iba naman, they can refile their petition or file another accreditation. Titingnan namin,” dagdag niya. RNT/MDS