MALABON CITY, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang 23-anyos na lalaki matapos paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang suspek napaulat kagabi sa Malabon City.
Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang biktimang si alyas “Ralph” ay kasalukuyang naglalakad sa harap ng Northshore Subdivision sa kanto ng Victoneta Avenue at Magsaysay St., Brgy. Potrero ng dakong alas-7:20 ng gabi nang sumulpot ang naka-motorsiklong salarin sa kanyang harapan at sunod-sunod siyang pinaputukan ng baril.
Sugatan at duguan man, nagawa pang makatakbo ng biktima at makahingi ng tulong sa naturang lugar na dahilan para makatakas ang suspek, sakay ng asul na Suzuki Skydrive.
Naisugod naman ang biktima sa Manila Central University (MCU) Hospital kung saan patuloy siyang isinasailalim sa gamutan sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Nakuha naman ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission sa lugar na kinaganapan ng pamamaril ang limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 pistol.
Samantala, nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang tugisin ang suspek na hinihinalang kilala ng biktima.
Inaalam na din ng pulisya ang motibo sa ginawang pamamaril sa biktima. (Merly Duero)