LAGUNA, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang bagong panganak na sanggol sa loob ng lid ceramic water tank ng banyo ng isang restaurant kahapon sa Barangay 3 bayan ng Nagcarlan.
Natagpuan ang sanggol ng dakong alas- 11:05 ng tanghali ( Nov. 4, 2026) nang isang waitress ng restaurant, kung saan mayroon umano itong naririnig na mahinang iyak ng sanggol na nagmumula sa loob ng banyo.
Kaagad na tinungo ng nasabing waitress ang banyo at hinanap ang naririnig nitong iyak ng sanggol na nagmumula sa loob ng lid toilet ceramic water tank nang buksan ito ay tumambad ang isang bagong panganak na sanggol na kalaunan ay binawian din ng buhay.
Mabilis na ipinagbigay alam sa mga awtoridad ang natagpuang sanggol kung saan nakipagkoordonasyon sa tanggapan ng MSWDO at MHO.
Bukod dito kasalukuyan na umanong sinisiyasat ang CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng ina ng bagong panganak na sanggol na pansamantala itong nakalagak sa punerarya. Ellen Apostol