Home METRO 7 pulis, 4 iba pa kinasuhan sa pangingikil sa mga Chinese nat’l

7 pulis, 4 iba pa kinasuhan sa pangingikil sa mga Chinese nat’l

5
0

CAVITE, Philippines – Nagsampa ng ilang reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pitong pulis at apat na sibilyan na umano’y sangkot sa organisadong pangingikil sa mga Chinese national.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong Kidnapping for Ransom, Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons by Means of Extortion, at Usurpation of Authority.

Ayon sa imbestigasyon, nagpanggap umanong mga alagad ng batas ang mga suspek at inakusahan ang mga Chinese national na nagpapatakbo ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Ginamit umano nila itong dahilan upang salakayin ang mga ari-arian, pagnakawan ang mga biktima at mangikil ng pera.

Nagsimula ang kaso sa insidente noong Oktubre 21, 2026, sa isang farm resort sa Alfonso, Cavite. Sinalakay umano ng mga armadong lalaki ang lugar, tinutukan ng baril at pinagbantaan ang isang Chinese businesswoman at mga kasama nito, at humingi ng P10 milyon.

Hinalughog din umano ng mga suspek ang resort at tinangay ang tinatayang P2 milyon halaga ng pera, alahas, computer, gadget at iba pang mahahalagang gamit. Kinuha rin nila ang mga pasaporte ng mga biktima at humingi pa ng P500,000 kapalit ng pagsasauli sa mga ito.

Ayon sa biktima, agad silang isinakay ng kanyang asawa sa sasakyan at dinala sa Maynila upang humingi ng tulong sa NBI.

Sa magkakasunod na entrapment operation, naaresto ng NBI ang ilang suspek, kabilang ang umano’y mastermind, sa follow-up operation sa San Pablo City, Laguna, noong Oktubre 28.

Dalawa pang suspek ang naunang naaresto sa isang entrapment operation sa Maynila habang isinasagawa ang pagsasauli ng mga pasaporte kapalit ng marked money.

Narekober sa mga operasyon ang mga baril, bala, identification card na nagpapakita umano ng kaugnayan sa mga law enforcement agency, communication equipment, at mga electronic device na umano’y kinuha sa mga biktima.

Iniimbestigahan din ng NBI ang posibleng koneksiyon ng mga suspek sa iba pang pulis na sangkot sa isang kamakailang armadong engkuwentro sa Bacoor, Cavite, kung saan limang indibidwal ang nasawi. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here