Home NATIONWIDE PBBM kuntento sa typhoon prep ng gobyerno – DND

PBBM kuntento sa typhoon prep ng gobyerno – DND

303
0

MANILA, Philippines – Satisfied si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mabilis na paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mapanalasang Super Typhoon Nando at sa posibleng epekto ng Severe Tropical Storm Opong.

Sa katunayan, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang situation briefing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center sa Quezon City, kung saan tinalakay ang epekto ng kamakailan lamang na tropical cyclones.

“The inter-agency coordinating cell is working very well. The President is very satisfied with the extent of preparations and prepositioning of needed goods and supplies, particularly sa Batanes,” ayon kay NDRRMC Chairman at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Iniulat ng NDRRMC na umakyat na sa 159,197 pamilya o katumbas ng mahigit 600,000 indibidwal ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng habagat, nagdaang bagyong Mirasol, at Super Typhoon Nando.

Batay sa situational report ng NDRRMC ngayong Miyerkules, Setyembre 24, ang mga sinalanta ng kalamidad ay mula sa 11 rehiyon kabilang ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Bunsod nito, aabot sa mahigit 8,000 pamilya ang inilikas patungo sa mga evacuation center habang mahigit 4,000 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang lugar.

Ayon sa ahensiya, may apat na napaulat na nasawi bunsod ng epekto ng mga kalamidad subalit kasalukuyan pang bineberipika ang mga ito.

Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Central Luzon, isa sa Cagayan Valley, at isa sa Cordillera.

Isinasailalim din sa validation ang napaulat na 11 nasugatan at isang nawawala.

Samantala, tiniyak ni Teodoro na may sapat na pondo upang suportahan ang disaster response at relief operations.

“Nagpa-situation briefing siya [President Marcos] kung may kailangang augmentation galing sa DBM [Department of Budget and Management] ay maagapan natin, pero hindi pa kailangan,” aniya.

Sinabi pa ni Teodoro na patuloy pang dinedetermina ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng tropical cyclones sa agrikultura at imprastraktura.

“Kailangan pa nating humupa ang panahon so we can conduct an honest-to-goodness needs and damage assessment para makalap ang total damage,” ayon sa Kalihim.

“Nagroroad clearing na ngayon kasi importante ang access, lalo na kung lumihis ang bagyo at umulan na naman sa inulan ng Typhoon Kristine noong araw,” dagdag pa niya. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here