MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni dating Senador Nancy Binay ang mga paratang sa kanyang pagkakasangkot sa flood control anomalies.
Sinabi ng dating senador at ngayo’y Makati Mayor Nancy Binay na ang akusasyon na umano’y tumanggap siya ng mga kickback ay sinadya upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga tunay na gumagawa ng katiwalian sa flood control projects.
Si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo kaninang uamaga ay inakusahan sina dating Senate president Francis Escudero, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating senador Bong Revilla, at Binay ng pagtanggap ng mga kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura.
“Nagugulat at nalulungkot ako na dinadamay ako sa mga anomalya ng DPWH. Walang katotohanan ang mga bintang sa akin,” saad ni Binay sa isang pahayag.
“Tahimik po tayong nagtatrabaho bilang Mayor ng Makati. Nakakagulat na nagagamit tayo para ipanglihis sa mga tunay na kailangan panagutin sa issue na ito,” dagdag niya.
Aniya, “performance in public service has always been above board and beyond a shadow of doubt.” RNT/MND