MANILA, Philippines – Sa ilalim ng 7 Focus Agenda ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang Police Regional Office 3 (PRO3) ay aktibong nagpapatupad ng mga mekanismo upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa Gitnang Luzon sa panahon ng mga kalamidad.
Dahil sa sunud-sunod na paghagupit ng bagyo sa rehiyon ngayong taon, nagpasya ang PRO3 na mag-ingat at maging handa sa anumang sakuna na maaaring makaapekto sa buhay at ari-arian ng mga tao.
Bilang bahagi ng proactive na hakbang, ang Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) ang nanguna sa pag-inspeksyon ng mga disaster response at Search-and-Rescue (SAR) equipment sa lahat ng provincial, city, at municipal police offices sa rehiyon.
Layunin ng inspeksyon na matiyak na lahat ng kagamitan ay handa at magagamit agad sa oras ng pangangailangan.
Kasama sa inspeksyon ang mga SAR kit, kagamitan sa komunikasyon, mobility asset, at iba pang mahahalagang kagamitan para sa agarang pagtugon sa mga sakuna.
Sa ilalim ng direktiba ni Regional Director PBGEN Ponce Rogelio I. Peñones Jr., siniguro na ang paghahanda sa mga sakuna ay laging nasa unahan ng kanilang mga gawain.
Ayon sa kanya, mahalaga na bawat yunit ng PRO3 ay may sapat na kagamitan upang maprotektahan ang mga mamamayan, mapanatili ang kanilang ari-arian, at magbigay ng suporta sa komunidad sa panahon ng kalamidad.
Ang aktibidad na ito ay nagpapakita ng proactive na hakbang ng PRO3 sa paghahanda sa mga sakuna. Hindi lang ito para sa agarang pagtugon sa mga kalamidad kundi para rin sa pagsasagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang sakuna sa hinaharap. /Val Leonardo








