Home NATIONWIDE 1 missing kay ‘Opong’ sa Biliran LOLO, 2 APO NALUNOD SA BAHA

1 missing kay ‘Opong’ sa Biliran LOLO, 2 APO NALUNOD SA BAHA

246
0

MANILA, Philippines – Nalunod ang isang lolo at dalawa niyang ng batang apo habang nawawala ang isa pang apo matapos tangayin ng flash flood ang kanilang tahanan sa Barangay Bilwang, bayan ng Kawayan, Biliran, nitong Biyernes ng madaling araw, sa gitna ng malakas na pag-ulan mula sa Severe Tropical Storm “Opong”.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga namatay na isang 4-anyos na babae, isang 12-anyos na babae, at ang kanilang lolo na si “Gil,” 63, isang biyudo at barangay tanod, pawang residente ng Barangay Bilwang.

Nawawala ang isa pang apo na si alyas “Eljane,” 7.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na bandang alas-2:00 ng madaling araw kahapon ay mabilis na tumaas ang tubig mula sa kalapit na sapa na nagdulot ng flash flood na sumira sa kanilang bahay at tinangay ang mga biktima.0

Dakong alas-10:30 ng umaga nang i-report ng isang concerned citizen sa Kawayan Municipal Police Station (MPS) ang insidente.

Natagpuan ng mga rumespondeng tauhan ang bangkay ng mga biktima sa loob ng Barangay Bilwang Hall.

Sinabi ng pulisya na inaalagaan ni Gil ang kanyang mga apo nang mangyari ang flash flood.

Patuloy ang joint search and retrieval operation na kinasasangkutan ng Kawayan MPS, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Municipal at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices, mga opisyal ng barangay, at mga residente upang mahanap ang nawawalang 7-anyos na batang babae.

Nasa kustodiya na ngayon ng kanilang kaanak ang mga narekober na bangkay at dadalhin sa Kawayan Rural Health Unit para sa post-mortem examination.

Dahil sa pagpanaw ng lolo at mga apo nito, umabot na sa apat ang bilang ng mga namatay sa Biliran, kasunod ng pagkalunod ng isang lalaki sa bayan ng Caibiran noong Huwebes.

Isang 68-anyos na lalaki ang pinaniniwalaang nalunod noong tangayin ng pagragasa ng flash floods ang kanyang tahanan sa bayan ng Caibiran. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here