Home NATIONWIDE Agarang paghahatid ng tulong sa mga apektado ng bagyong Opong, siniguro ng...

Agarang paghahatid ng tulong sa mga apektado ng bagyong Opong, siniguro ng OCD

297
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Office of Civil Defense (OCD) ang mabilis na pamamahagi ng mga pangunahing non-food items sa mga pamilyang sinalanta ng bagyong Opong at iba pang nagdaang bagyo.

Ayon sa OCD nitong Sabado, Setyembre 27, nasa 1,500 shelter repair kits, 500 trapal at 200 family tents ang naipadala na sa Ilocos at Cagayan Valley sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection.

“This proactive effort underscores OCD’s commitment to support communities in the aftermath of recent storms while strengthening readiness for any further weather disturbances,” pahayag ng ahensya.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), higit 563,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Mirasol, Nando at Opong.

Sa 1,482 evacuation centers, nasa 23,336 pamilya o 81,428 katao ang nananatili rito, bukod pa sa 17,098 pamilya na tinutulungan sa labas ng mga evacuation site.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na nakatutok ang pagtugon sa mga pinakamatinding tinamaan na probinsya gaya ng Masbate, Romblon, Eastern Samar, at Oriental at Occidental Mindoro.

“In terms of the numbers, itong sa Mimaropa kasi hindi pa natin nakikita yung kabuoan dahil kakalipas lang ng bagyo kahapon,” ani Castillo, at idinagdag na nagiging hamon ang komunikasyon dahil sa mahina at paputol-putol na signal.

Naitala ng NDRRMC ang 19 nasawi mula sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region at Eastern Visayas.

Samantala, tinatayang aabot sa ₱914.8 milyon ang pinsala sa agrikultura o mahigit 78,000 metriko tonelada ng produksyon ang naapektuhan.

Nasa 7,490 pasahero rin ang naistranded sa walong rehiyon, kabilang ang Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas at Caraga, ngunit nananatiling bukas at operational ang lahat ng paliparan sa bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here