Home NATIONWIDE Mga residente sa Iloilo City nagrerekober na sa paghupa ng baha

Mga residente sa Iloilo City nagrerekober na sa paghupa ng baha

284
0

MANILA, Philippines — Unti-unti nang bumabangon ang Iloilo City mula sa pinsalang iniwan ng Severe Tropical Storm Opong matapos maapektuhan ang mahigit 40,000 residente ngayong linggo.

Ayon sa Iloilo City Emergency Operations Center (EOC) nitong Sabado, Setyembre 27, 43 sa 100 barangay na binaha ay humupa na, ngunit nananatili pa rin ang 348 pamilya o 1,140 katao sa 23 evacuation centers. Sa kabuuan, 10,624 pamilya o 40,753 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

Nakasentro ngayon ang tugon ng lungsod sa pagbabalik ng normal na pamumuhay sa mga apektadong komunidad.

Nagpakalat ang City Social Welfare and Development Office ng 946 food packs habang aktibo ang mga community kitchen para sa mga evacuee.

Sa isang Facebook post noong Setyembre 26, sinabi ni Mayor Raisa Treñas na nasa mga barangay ang mga tauhan at volunteers upang tiyakin ang relief distribution, debris clearing at tulong sa mga evacuation center.

Namahagi naman ang City Health Office ng libreng doxycycline laban sa leptospirosis sa mga nalubog sa baha, na libo-libo na ang nakinabang. May mga medical team ding nakabantay sa evacuation centers para sa mga bata, nakatatanda at persons with disabilities.

Pinalakas ng Police Regional Office 6 ang clearing operations, pagbibigay-tulong sa mga pamilyang umuuwi at pagpapanatili ng police desks sa mga evacuation center.

Nagbigay rin sila ng hot meals sa mga pasaherong na-stranded sa Lapuz at Parola ports dahil sa suspensyon ng biyahe sa dagat.

Isinasagawa na ng Office of Civil Defense Region 6 ang post-disaster assessment upang matukoy ang kabuuang pinsala.

Bagama’t 34 na bahay lamang ang naiulat na partially damaged, nananatiling lubog ang ilang lugar kaya’t hindi pa makauwi ang ibang pamilya.

Pinayuhan ng OCD ang mga LGU na ipagpatuloy ang sanitation drive at maglatag ng livelihood support.

Kasama sa mas mahabang rehabilitasyon ang pagpapahusay ng drainage system, dredging ng ilog at mas matibay na flood-control measures.

“Opong showed us where our weak points are. We need to recover quickly but also prepare better for the next storm,” ani Treñas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here