Home NATIONWIDE DFA nanawagan ng mas bukas na dayalogo sa Beijing kaugnay sa West...

DFA nanawagan ng mas bukas na dayalogo sa Beijing kaugnay sa West Philippine Sea

300
0

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng mas bukas na dayalogo sa pagitan ng Maynila at Beijing sa gitna ng mga isyu sa karagatan, partikular sa West Philippine Sea, kasabay ng pagtatapos ng anim na taong panunungkulan ni Chinese Ambassador Huang Xilian sa bansa.

Sa paggunita ng ika-76 National Day of China sa Maynila, binigyang-diin ni DFA Undersecretary Maria Theresa Dizon-de Vega ang tungkulin ng dalawang bansa “bilang magkapantay na soberanya” na “mapayapang pamahalaan ang ating mga pagkakaiba.”

Ipinarating ni de Vega ang mensahe ni Foreign Secretary Ma. Theresa Lazaro na kasalukuyang nasa New York para pangunahan ang delegasyon ng Pilipinas sa ika-80 sesyon ng United Nations General Assembly.

Sa ilalim ng liderato ni Huang, sinabi ng DFA na naituloy ng bansa ang pagtataguyod ng interes ng Pilipinas sa pamamagitan ng “mapayapang pamamaraan at konstruktibong diplomasya.”

“Even when we have been on opposing sides of an issue, we have not allowed the overall collaborative effort to be fully overshadowed by disagreements or contentions,” ani de Vega sa kanyang talumpati noong Huwebes ng gabi, na nagmarka rin sa nalalapit na paglisan ni Huang sa embahada.

Kabilang sa mga naging mekanismo ang pagtatatag ng bilateral consultation mechanism sa South China Sea na nagbukas ng mas malinaw na diskusyon at nakatulong upang mabawasan ang tensyon sa maritime interaction ng dalawang bansa. Muling binuhay noong Hulyo ang “joint consular consultation” para palakasin ang koordinasyon sa proteksyon ng mga mamamayan.

“We are hopeful that these channels of open communication and meaningful engagement could be replicated in other aspects of our relations,” dagdag ni de Vega.

Sa kanyang panig, sinabi rin ni Huang na natugunan ang mga alitan sa soberanya ng dalawang bansa sa pamamagitan ng diplomasya.

“We addressed maritime disputes and differences through diplomatic dialogue, making every effort to inject stability to our bilateral relations,” wika ng embahador, na siyang pinakamatagal na nanilbihan sa Pilipinas.

Aniya, nasaksihan niya ang “ups and downs of China-Philippines relations” sa kanyang termino. Wala pang anunsyo kung kailan ang huling araw niya sa posisyon, subalit sinabi niyang may dalawa pa siyang buwang panunungkulan.

Patuloy namang mainit ang alitan ng dalawang bansa matapos hindi kilalanin ng China ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-angkin nito sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea na malinaw na nasa loob ng 370-kilometrong exclusive economic zone ng Pilipinas. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here