Home NATIONWIDE 36 anibersaryo ng pagkamatay ni Marcos Sr., ginunita ni PBBM sa Ilocos...

36 anibersaryo ng pagkamatay ni Marcos Sr., ginunita ni PBBM sa Ilocos Norte

347
0

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang misa para gunitain ang ika-36 death anniversary ng kanyang ama na si datng Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Immaculate Conception Parish sa Batac City, Ilocos Norte, araw ng Linggo.

Kasama ng Pangulo ang kanyang pinsan na si Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta Marcos, at anak na si William Vincent “Vinny” Araneta Marcos, pati na rin ang ibang miyembro ng pamilya at supporters. Kapansin-pansin ang kawalan ng presensiya ng ibang miyembro ng First Family.

“Remembering my father, Apo Lakay, on his 36th death anniversary. His memory and his dreams remain with me always,” ang sinabi ng Pangulo sa Facebook post.

Bago ang death anniversary, ginunita rin ng Pangulo noong Setyembre 11 ang 108th birth anniversary ng dating lider.

Sa kanyang mensahe noon, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pamumuhay na may malasakit, sakripisyo, at dignidad—mga halagang aniya’y nagsisilbing patnubay sa paglilingkod sa bayan at paraan upang patuloy na parangalan ang kanyang ama.

Sa kabilang dako, bagama’t wala ang presensiya ni presidential sister Senator Imee Marcos sa misa, nagbigay pugay naman ito sa kanilang ama, kung saan tinawag niyang “the original and great” President Marcos.

“As his child and a witness to his service to the nation, I will continue to carry the lessons and his legacy, which remain alive in the hearts and spirit of the Filipino people to this day,” ang sinabi ni Imee Marcos sa hiwalay na Facebook post.

Si Ferdinand Marcos Sr. ang pinakamatagal na nanungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas, mula 1965 hanggang 1986. Noong 1972, idineklara niya ang Martial Law, na tumagal ng siyam na taon at naging isa sa pinakakontrobersyal na panahon sa kasaysayan ng bansa dahil sa mga ulat ng paglabag sa karapatang pantao, censorship, at malawakang katiwalian.

Matapos mapatalsik sa puwesto sa pamamagitan ng People Power Revolution noong 1986, tumakas ang pamilya Marcos patungong Hawaii. Doon pumanaw ang dating lider noong Setyembre 28, 1989, sa edad na 72.

Noong 1993, ipina-uwi sa Pilipinas ang kanyang labi at pansamantalang inilibing sa Batac, Ilocos Norte. Taong 2016 lamang siya nailibing sa Libingan ng mga Bayani matapos aprubahan ng Korte Suprema ang desisyon ng administrasyong Duterte, bagay na muling nagpasiklab ng mga protesta mula sa mga human rights groups at martial law victims.

Sa kabila ng mga kontrobersiya, nananatiling mataas ang pagkilala at suporta kay Marcos Sr. sa kanyang lalawigan. Bawat anibersaryo ng kanyang kapanganakan at pagkamatay ay patuloy na nagiging okasyon ng pagtitipon ng mga tagasuporta, na nakikitang tanda ng hindi kumukupas na impluwensya ng pamilya Marcos sa Ilocos Norte. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here