MANILA, Philippines – Nilinaw ng PAGASA na ang tungkulin nito ay limitado lamang sa pagbibigay ng datos sa mga pag-ulan na mahalaga para sa urban planning at drainage system design, ngunit hindi na nila sakop ang pagdedesisyon kung saan gagawin ang mga proyektong ito.
Sa ulat, sinabi ng PAGASA na nagbibigay ito ng Rainfall Intensity Duration Frequency (RIDF) curve data kung hihingi ang Department of Public Works and Highways (DPWH) o project contractors.
Ang RIDF curve ay nagpapakita kung gaano katindi, kahaba, at kadalas ang pag-ulan sa isang lugar.
Mahalaga ang datos na ito sa pagdisenyo ng epektibong flood control systems.
“Rainfall Intensity Duration Frequency curve. ‘Yun po ang basehan para doon sa gagawing design. Consultants, DPWH, and contractors are requesting for that data set. We provide such information, but after providing that, we don’t know if it was used or not,” pahayag ni Marcelino Villafuerte II, PAGASA deputy administrator for research and development.
Iginiit ng PAGASA na ang mandato nito ay ang pagbibigay lamang ng meteorological data. Wala anila silang kaugnayan sa project planning, design o pagtukoy kung saan itatayo ang flood control systems.
Ang paglilinaw ay kasunod ng mga tanong kung nakonsulta ba ang PAGASA sa pagdisenyo ng ilang kontrobersyal na flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan ng administrasyon. RNT/JGC