MANILA, Philippines – The Netherlands ang bansa na maaaring tumanggap kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung magagawaran ito ng interim release ng International Criminal Court, ayon kay Atty. Maria Kristina Conti.
Si Conti, na nagsisilbing ICC assistant to counsel, ay nagsabing ito ay nakasaad sa rekord ng korte.
“The Netherlands. Obvious kasi it will be a transit country papunta sa second or third country. Pero sinabi ng defense na una irerelease muna into Dutch territory,” sinabi ni Conti sa panayam ng DZMM nitong Linggo, Setyembre 28.
“Ang sabi… the Netherlands, baka pwede nyo ring kupkupin na for the rest of the period of interim release. What if d’yan na lang kasi babyahe ka pa eh, nandyan ka na eh. Ito yung narining ko na may panawagan na house arrest sa Netherlands,” paliwanag pa niya.
Si Duterte ay nahaharap sa mga reklamong crimes against humanity, at kasalukuyang nasa The Hague kung saan naghihintay ito ng confirmation of charges.
Matatandaan na muling ipinanawagan ng kampo ni Duterte sa pre-trial chamber ng ICC na aksyunan ang kanilang petisyon para sa interim release.
Siniguro naman ng depensa na ang pagpapalaya kay Duterte ay hindi makakaapekto sa nagpapatuloy na litigation.
Samantala, naniniwala naman si Conti na ang galaw ng pamilya Duterte ay nakakaapekto sa desisyon ng korte para sa interim release.
“Kung sa akin, hindi yung bansa ang importante, sa totoo lang, kundi ‘yung kondisyones,” aniya.
“Sabi nga yung risk factors: Kailangang ‘di ka gagawa ng dagdag krimen; kelangan hindi makikialam sa proseso o kaya sa victims, witnesses at lahat ng involved; at most importantly babalik ka sa korte.”
“‘Yung pagsapak ni Honeylet doon sa jail guard ba o pulis nung huhulihin sabi ng prosecutor parang it does not bode well. Kapag pinalaya tapos iaaresto ulit baka hindi lang sapak sapak ang abutin natin?” dagdag pa nito.
Ipinunto rin niya ang mga pahayag kamakailan ng anak ng dating Pangulo na si Vice President Sara Duterte.
“‘Yung vlog ni VP Sara ‘yung nagsasabing, ‘Hello mga kababayan, i-jail break na lang natin.’ Naku, tinake note din ng prosecution kasi all these point to if not disrespect, but maybe on the minimum, refusal to accept the legitimacy of the court,” giit ni Conti.
“Parang magpo-point siya na naku, parang hindi na babalik ito.”
Nagkomento rin ang abogado sa pahayag ni VP Sara patungkol sa medical condition ng ama nito.
“Ngayong araw ay nilinaw ng ICC na ito ang parameters o protocols kapag ang isang tao ay nakakulong: Ang physical safety, mental health ay kailangang pangalagaan at on call lahat ng medical personnel, mapa duktor or nurse.”
“Una, ‘yung presumption na ‘yung medical professionals are professionals, hindi basta magkukwento pag uwi. Hindi yung, ‘Alam mo ba chineck up ko si Duterte, ganito ganito pala siya e no?’ Hindi yun magkukwento sa mga kapamilya, kabahay, hindi rin pwede ‘yung duktor pinagkakalat ang mga papeles o medical records ni Duterte,” giit ni Conti.
“Gusto nila healthy si Duterte para buhay. Para magsimula ang trial,” she said. “Kami ang dehado kung mamatay si Duterte na matatapos ang proceeding at walang mangyayaring truth seeking… Kailangan may katarungan.”
Kung nag-aalala aniya ang Bise President sa kapakanan ng kanyang ama ay dapat itong idirekta sa ICC.
“Sana maipaabot sa ICC, sa korte mismo. Parang propaganda lang itio, nagkakagulo tayo na hindi naman pala totoo. Yung decision ng court will not be affected by public opinion.” RNT/JGC