MANILA, Philippines – Nagharap si Senador Francis “Chiz” Escudero ng reklamo sa Korte Suprema laban kay Atty. Jesus Nicardo Madarang Falcis III nitong Lunes, Setyembre 29.
Hinihiling ng senador ang disbarment ng abogado dahil umano sa serye ng iresponsable at mapanirang posts sa social media na malinaw na lumabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) na dapat sinusunod ng lahat ng miyembro ng Philippine Bar.
Sa verified complaint, tinukoy ni Escudero ang mga post mula Hulyo hanggang Setyembre 2025 kung saan tinawag siya ni Falcis na “shameless,” “the worst Senate President in history,” at paulit-ulit na “bulok na keso.” Aniya, ang mga pahayag na ito na mapanira, mapanlait, mapoot, at malisyoso ay sapat na dahilan para tanggalin si Falcis sa talaan ng mga lisensyadong abogado.
Giit ni Escudero, bilang abogado, bigo si Falcis na sundin ang pinakamataas na pamantayan ng propesyon at nararapat sa pinakamabigat na parusa na disbarment. Aniya, kahit pa sabihin na “salita lamang” ang kanyang ginamit, ang pagiging publiko at mapanirang katangian ng mga ito ay hindi dapat palampasin.







