MANILA, Philippines – Bumwelta si Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Linggo, Setyembre 28 sa tila pagbabanta ni Cibac party-list Rep. Eddie Villanueva laban kay Ridon sa pangunguna sa imbestigasyon sa flood control scandal.
Matatandaan na sa pagdinig ng Kamara noong Setyembre 9 na pinangunahan ng House Infrastructure Committee, kung saan si Ridon ang co-chairs, inakusahan ni Bulacan First District Assistant Engineer Brice Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa pagtanggap ng kickback mula sa flood control projects.
“Baka hindi ka abutan ng mga lawyers namin pero tandaan mo ‘to, nagkamali ka … bata. Baka akala mo makakatakas ka sa sumpa ng Diyos? Pasalamat ka born again si Bro. Eddie,” babala ni Villanueva, founder ng Christian megachurch na Jesus is Lord Church Worldwide.
Ang pahayag na ito ni Villanueva, ama ni Senador Joel Villanueva, ay kasabay ng sermon nito kung saan ipinakita niya ang yearbook photo kung saan magka-batch sina Ridon at Hernandez.
Sinabi ni Ridon na si Hernandez ay schoolmate niya na hindi na niya maalala at ang yearbook photo ay kinunan 12 taon na ang nakalilipas.
“Bro Eddie baka makulong talaga si Senator Joel kahit isumpa mo pa ako,” sagot ni Ridon.
Ipinunto ng mambabatas na hindi lamang si Hernandez ang nagdiin kay Sen. Villanueva sa korapsyon sa flood control. RNT/JGC