MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr na may tatlong ghost projects na farm to market roads na pawang nasa Mindanao.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Laurel sa pagdalo nito sa plenary debates para sa DA budget, sinabi nito na bagamat ang mga nadiskubreng ghost projects ay hindi maituturing na “large scale” ay may sapat na dahilan para ito maimbestigahan.
“In farm-to-market projects, the initial report I received was that we found a ghost project in Davao Occidental in 2021 and 2022. We also discovered one in Zamboanga del Norte where a road opening exists, but there is no cement. Let’s just wait for the validation, but more or less that’s what I reported to the president,” pag amin ni Laurel.
Matatandaan na una nang iniutos ng DA ang pag-audit sa mga farm to market road project mula 2021.
Ipinaliwanag nito na bagamat ang mga farm to market roads ay tukoy ng DA, karamihan sa mga ito ay kinomisyon at itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sinabi ni Laurel na patuloy ang kanilang ginagawang audit sa mga farm to market roads at inaasahang bago matapos ang taon ay matatapos ito.
Batay sa datos, nasa 131,000 kilometro ng farm-to-market roads ang target na maitayo, sa ngayon ay nasa 70,000 kilometro na ang natapos at nasa 61,000 kilometro pa ang nakabinbin. Gail Mendoza