QUEZON CITY – Sumailalim sa arraignment sa Sandiganbayan si San Simon, Pampanga Mayor Abundio “Jun” Punzalan Jr. kaugnay ng kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at robbery extortion.
Batay sa mga dokumento ng kaso, nagsimula ang reklamo laban kay Punzalan matapos maghain ng sumbong ang RealSteel Corporation. Inakusahan ng kumpanya ang alkalde ng pangingikil umano ng ₱80 milyon kapalit ng hindi pagbabasura sa isang ordinansang nagbigay ng tax incentives sa kumpanya.
Kasama rin sa inihaing ebidensya ang isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 5, 2025 sa Café Mesa, Clark Freeport, Mabalacat City. Naging bahagi ng kaso ang naturang operasyon na isinagawa sa isang pampublikong lugar.
Ang kasong kinakaharap ni Punzalan ay may katapat na parusang pagkakakulong, pagtanggal sa serbisyo, at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno sakaling mapatunayang nagkasala.
Ang arraignment sa Oktubre 1 ay inaasahang magbibigay-linaw sa susunod na yugto ng paglilitis sa mga kasong kinakaharap ng alkalde. RNT